Tuesday, July 8, 2008

Isang makabuluhan at hindi makalilimutang karanasan ang pagsama ko sa medical mission ng Armed Forces of the Philippines Reserve Command sa liblib na baryo ng Janosa sa Isla ng Talim, Binangonan, Rizal. Bilang bahagi ng Civic Welfare Training Service sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman, isa sa mga pangangailangan ng kurso ang pagsama sa mga gawaing-pansibiko at kabilang dito ang mga medical mission.

Sa AFP Rescom ng Kampo Aguinaldo sa Quezon City ang tagpuan ng mga sasama sa operasyon. Madilim pa ang paligid dahil ikaapat ng umaga ang assembly time. Mula sa iba’t ibang larangan ang mga miyembro ng reserve command subalit nang araw na iyon halos karamihan ay nagmula sa larangan ng kalusugan at panggagamot. Nang makita kong marami kaming sasama ay lalo akong nanabik. Mas marami, mas masaya. Dalawang oras pa ang lumipas sa paghihintay sa iba pang mga sasama bago kami umalis patungong Binangonan.

Pagdating sa bayan ng Binangonan ay sumakay pa kami sa lantsa o malaking bangkang de-motor patungong Talim Island kung saan naroon ang Brgy. Janosa. Maliit na nayon lamang Janosa at pangingisda ang pangunahing kabuhayan ng mga mamamayan nito. Iilan lamang ang mga sambayanang kabilang sa upper class at halos lahat ay naghihikahos sa buhay. Sa kabila nito, ang mga tao rito ay mababait, masayahin at palakaibigan.


Ginanap ang operasyon sa mataas na paaralan ng Janosa kung saan hindi mabilang ang mga taong nakaabang sa aming grupo. Hinati ang misyon sa mga kategoryang general medicine, pediatrics, dental, veterinary, pharmacy at iba pa. Nag-umpisa ang sesyon nang ikasiyam ng umaga. Sa dental ako na-assign dahil sa dati akong dental assistant sa klinika ng aking tiyahing dentista. Sanay na akong makakita ng mga duguang bunganga at bulok na ngipin. Guwapo ang dentistang taga-AFP. Tagahawak ako ng ulo ng mga pasyente. Kinakausap muna namin ang mga magpapabunot ng ngipin upang aming makapalagayang-loob at mawala ang kanilang takot at kabang nararamdaman. Pagkatapos ng bunutan, sinasamahan ko sila sa pharmacy upang bigyan ng gamot sa kirot at antibiotic. Nang sumapit ang oras ng pananghalian, 64 taga-Janosa ang nabigyan ng pagkakataong mabunutan ng bulok at sirang ngipin.



REAKSYON

Matagumapay naman ang nasabing medical mission. Disiplinado ang mga taga-Janosa at maayos ang naging daloy ng operasyon. Walang nangyaring gulo o kapalpakan sa magkabilang panig. Dahil laking probinsiya, karamihan sa mga tao ay mahiyain at nag-aalangang makipag-palagayang loob sa amin. Subalit sa kalaunan ay nagagawa na rin nilang makipagbiruan sa aming mga volunteer.



Nakatutuwa ang nangyaring medical mission dahil sa maraming taga-Janosa ang natulungan. Kitang-kita sa kanilang mga mukha ang kasiyahan at pasasalamat sa aming ginawang pagbisita sa kanila. Sa totoo lang, lubos akong nanghinayang nang pagsapit ng alas-tres ay putulin na agad ang misyon dahil sa hindi maiwasang dahilan. Dapat ay alas singko ng hapon matatapos ang sesyon kaya nagtaka ako sa nangyari. Sa huli na lamang namin nalaman na may banta ng mga tulisan o taong-bundok kaya tinapos na agad ang operasyon. Hindi masisisi ang reservist command kung iurong ang misyon dahil inaalala lang nito ang kapakanan hindi lamang ng mga sundalo at estudyante kundi maging ng mga mamamayan ng Janosa.


SELEBRASYON

Mas masaya ang mga sumunod na pangyayari pagkatapos ng medical mission sa Janosa. Mas lalong dumami ang aking mga naging kakilala at kaibigan habang paalis na ang lantsa sa isla ng Talim. Nakilala ko pa nang lubos ang ilan sa aking mga kaklase, tulad nina Madel, Diana, Jhet, at iba pa.


Marami rin akong naging kaibigan sa reserve command. Nalaman ko sa kanila ang iba’t ibang dahilan kung bakit sila umanib sa samahan. Natuklasan ko ring marami sa kanila ang may kanya-kanya ring trabaho sa labas ng kampo maliban sa pagiging armed force.