Sunday, November 29, 2009

Kumpare: Parekoy

Sa lahat ng mga kumpare ko na naging karelasyon ko ay si Jaypee lang ang lalaking kinabaliwan ko. Tall, dark and handsome, mayroon na kasi kaming familiarity sa isa't isa dahil magkababaryo kami sa Bicol. Klasmeyt ko ang ate niya noong hayskul kung saan madalas akong tumambay sa bahay nila. Pinsang-buo siya ni Migs. Hindi kami nag-uusap dati dahil mayroon siyang circle of friends maliban sa mas matanda ako sa kanya ng tatlong taon. Patpatin pa nga siya noon at walang kadating-dating. Hindi pa ako lumalantad noon kaya pasimple lang ang paghanga ko sa mga kalalakihan pero hindi ko man lang naging type si Jaypee.

Muli kaming nagkita ni Jaypee noong February 2005. Piyesta noon sa baryo namin. Katatapos lang noon ng midterm exam namin kaya nakauwi ako galing sa pag-aaral ko sa Maynila. Pareho kaming ninong sa binyag ng pamangkin ko. Nakilala ko agad siya dahil sa tsinito niyang mga mata at sa kanyang trademark na kulay kayumangging kaligatan. Weakness ko pa naman ang ganung mga mata at kulay. Na-attract agad ako sa kanya at hindi na maalis ang paningin ko sa kanya. Nagkalaman ang kanyang patpating katawan at halatang batak sa mabigat na trabaho ang kanyang mga braso. Medyo nagkahiyaan pa kaming bumati sa isa't isa pero siya ang unang kumausap sa akin sa loob ng simbahan. Nagulat pa nga ako nang bigla niya akong akbayan habang nagpi-picture taking pagkatapos ng binyag. Langhap ko ang kanyang pabango na lalong nagpahina ng aking mga tuhod at kung wala lang kami sa loob ng simbahan ay nayakap ko siya nang mahigpit with matching kiss.

Pagkatapos ng binyag ay dumiretso na kami sa bahay ng pinsan ko (ama ng bininyagan). Kapatid ng nanay ni Jaypee ang asawa ng pinsan ko kaya pinsan niya ang bagong binyag na bata. Habang nag-iinuman ay masaya kaming nag-usap ng aming mga naging buhay after high school graduation kasama ang iba pa niyang mga pinsan. Nalaman kong pumunta siya sa poder ng tatay niya sa Cavite kung saan nagtrabaho raw siya bilang pahinante sa isang trucking service. Kaya pala maganda ang katawan niya. Habang tumatagal ay nagiging madaldal na siya at medyo "touchy" na rin pero hinayaan ko lang siya. Hindi ako masyadong lasing dahil sanay ako sa inuman kahit pa noong high school days. Hapon na nang magpaalam na ako sa kanilang umuwi.

"Sama na ako sa'yo. Uwi na rin ako. Medyo lasing na ako," sabi niya.

"Anong medyo lasing, lasing ka na kamo!" sabi naman ng pinsan ko. Tawanan sila.

"Kaya ko pa namang maglakad," palusot ni Jaypee.

"Hatid mo na 'yan, Lei," sabi ng pinsan ko.

Una naming madadaanan ang bahay nila kaysa sa amin kaya okay lang sa aking ihatid si Jaypee. Inalalayan ko siya sa pagtayo pero okay lang daw siya. Tahimik kaming naglakad palayo.

"Okay lang ba sa'yo?" tanong niya habang naglalakad kami.

"Ha? Ang alin?" balik tanong ko.

"Ang sumabay ako sa'yo pauwi," sagot niya.

"Ang drama mo! Bakit naman hindi?" naguguluhan kong tanong.

Biglang parang matutumba siya sa pagkahilo kaya mabilis ko siyang inalalayan. Iniakbay niya naman ang braso niya sa akin.

"Kala ko ba hindi ka lasing?" pabiro ko sa kanya.

"Inaantok lang ako. Wala kasi akong gaanong tulog kagabi," sabi niya.

Napadaan kami sa harap ng eskwelahan kung saan kami nag-elementary. Napahinto ako at napatingin sa main building. Kahit madilim ay aninag ko ang kislap ng bakal na flagpole at ang cemented bench sa malapit na kinulayan ng puting pintura. Maraming akong alaala sa eskwelahang ito, lalo na sa Oragon bothers na sina Jhun, Migs, at Vince.

"Bakit?" Nagtaka si Jaypee kaya napahinto rin ito.

"Wala," sagot ko at iginiya ko siya sa muling paglalakad. Emosyonal na ako ng mga panahong iyon kaya napaluha ako at hindi ko napigilang mapahikbi. Nasa harap na kami ng bahay nila at papasok na sa bakura. Hindi uso sa baryo namin ang pagkakaroon ng gate dahil magkakakilala naman ang mga tao at madalas ay kamag-anak ang nakatira sa katabing bahay.

"Umiiyak ka ba?" tanong ni Jaypee sabay hinto saka humarap sa akin.

"Hindi. Suminok lang ako," pagsisinungaling ko.

Hahawakan niya sana ang mukha ko pero agad akong umiwas at bumitaw sa kanya. Nawalan siya ng balanse at napaupo sa umpok ng carabao grass sa bakuran nila.

"Ay, sori!" Dali-dali akong lumapit sa kanya para alalayan siyang tumayo ulit.

Hahawakan ko na siya sa braso nang hilahin niya ako palapit sa kanya kaya napahiga siya habang napadapa ako sa ibabaw niya.

"Jaypee, ano 'ba!" Inis kong sabi at tatayo na sana ako nang yakapin niya ako at biglang hinalikan sa labi. Mariin. Kinukuyumos ang aking mga labi. Nagulat ako at parang tumigil ang mundo ko. Parang mga labi ni Migs. Bigla akong natauhan nang sumagi sa utak ko si Migs. Dali-dali akong tumayo at tumingin sa paligid. Mabuti na lang at malalim na ang gabi at tulog na ang mga tao sa bahay nila.

"Pasensiya na. Gusto ko lang maibsan ang nararamdaman mo," sabi ni Jaypee habang pinapagpag ang kanyang pantalon na nakaupo na. "Kanina ko pa kasi nakikita sa mga mata mo na nalulungkot ka kahit tumatawa ka sa mga biruan natin kanina."

Hindi ako umiimik. Hindi ako makakilos. Masyado ba akong transparent para makita niya ang tunay kong nararamdaman? Hindi ko inaasahang may malalim na personalidad si Jaypee. Ang impresyon ko kasi sa kanya ay happy-go-lucky at walang pakialam sa ibang tao.

"Okay lang," sabi ko. "Kaya mo na bang tumayo at pumasok sa inyo? Gusto ko nang umuwi."

"Lei, sorry... Huwag ka nang magalit sa akin..." pakiusap ni Jaypee.

"Okay na nga. Kalimutan na natin ang nangyari. Sige, mauna na ako," lumakad na ako palayo, patungo sa aming bahay sa kabilang street. Walang lingun-lingon at mabilis ang aking mga yabag.
Nakaramdam ako ng panlalata nang makarating sa bahay. Dumiretso ako sa aking kuwarto, ni-lock ang pinto at dumapa sa kama. Tuluyan nang tumulo ang aking mga luha hanggang sa makatulog ako...