Kaarawan ngayon ni Migs, ang lalaking itinuturing kong my one true love. Isang taon na rin ang nakalipas mula nang huli kaming magkita. Siya ang dahilan kumbakit hindi na ako nakapagsulat. Mula nang pumanaw siya ay nawalan na rin ako ng ganang magbahagi ng mga kuwento. Siya ang aking inspirasyon. Hanggang ngayon ay mabigat pa rin ang loob kong tumipa ng mga letra sa keyboard habang nasa harap ng aking laptop. Namimiss ko na siya at madalas ay umiiyak pa rin ako. Minsan nga ay tinatanong ko ang langit kung bakit dalawang beses nang nangyari sa akin ang mawalan ng taong mahal sa buhay. Nauna na nga si Flor, ang bespren ko. At pagkatapos ng mahigit isang taon ay si Migs naman ang kinuha niya.
August last year nang makatanggap ako ng tawag mula kay Tita Yolly, ang nanay nina Migs at Jhun. Naka-confine raw si Migs. Ayaw niyang sabihin over the phone kung anong nangyari kaya hangos akong sumugod sa ospital na pinagdalhan sa kanya sa Alabang. Naabutan kong si Vince ang nagbabantay sa kuya niya. Umuwi raw sa bahay nila si Tita Yolly para kumuha ng mga damit ng kuya niya. Mabuti na lang at tulog si Migs nang dumating ako kung hindi ay mapapansin niya ang pagiging mailap namin ni Vince sa isa't isa. Ewan ko kay Vince pero nakakaramdam ako ng guilt kapag naaalala ko ang nangyari noon sa pagitan namin.
No comments:
Post a Comment