Thursday, May 21, 2009

Oragon Brothers: Kababata

Bata pa lang ako ay alam ko nang may kakaiba akong pagtingin sa kapwa ko batang lalaki. Nahihiya akong makipaglaro sa kanila at palaging mga batang babae ang kasama ko sa paglalaro o pagliliwaliw sa plasa. Subalit iba si Jhun, ang apo ng kaibigang matalik ng lola ko. Kaklase ko siya mula Grade 1 hanggang Second Year High School. Anim silang magkakapatid at siya ang panganay. Mas matanda siya sa aking ng isang taon. Naging klasmeyt ko siya dahil dalawang taon siya sa Grade 1. Wala pa kasing kindergarten sa aming baryo noon kaya kadalasan ay dalawang taon ang ginugugol ng mga bata sa Grade 1 upang matutong mabuti.

Dahil matalik na magkaibigan ang aming mga lola, laging pumupunta sa bahay ng lola ni Jhun, si Lola Caling, ang lola ko, at siyempre kasama ako lagi. Nasa Maynila kasi ang mga magulang ko at ang lola ko ang nag-aalaga sa akin. Nasa likod ng bahay ni Lola Caling ang bahay nina Jhun. Kapag abala na sa pagkukuwentuhan ang dalawang matanda, agad akong nagpapaalam sa lola ko para pumunta sa bahay nina Jhun sa likuran. Dalawang lalaki ang sumunod kay Jhun, sina Migs at Vince. Hindi ko masyadong nakakalaro sina Migs at Vince dahil may sarili rin silang mga circle of friends. Kami ni Jhun ay madalas sa kanilang kuwarto nagkukulitan, nagkikilitian, nagpipitikan ng lastiko, nagsusulatan sa aming nga katawan. Sabay din kaming gumawa ng mga assignments at projects sa school sa tulong ni Tito Efren, ang kanyang ama.

Dahil sa madalas naming pagkikita ni Jhun ay hindi maiiwasang hindi mahulog ang aking loob sa kanya. Subalit walang nakababatid ng espesyal na pagtingin ko kay Jhun. Hanggang sa magkahiwalay kami ng landas ay hindi ko nasabi sa kanya ang tunay kong nararamdaman, na mahal na mahal ko siya.

Summer 1997. Inatake ako ng malubhang sakit sa tiyan. Dinala ako sa Maynila para operahan ulit sa bituka sanhi ng komplikasyon sa dating operasyon noong ako ay bata pa. Nagpagaling ako sa bahay ng nanay ko kasama ang kanyang bagong asawa. Anim na buwan akong nasa Maynila at sulat lang ang naging komunikasyon namin ni Jhun. Pero hindi yata talagang mahilig ang mga lalaki sa pagsulat. Dumalang na ang pagdating ng sulat na natatanggap ko galing kay Jhun. Nabalitaan ko rin na mayroon na siyang kasintahan na taga-kabilang baryo. Umiyak ako nang malaman ko iyon. Hanggang sa hindi na rin ako nagpadala ng sulat.

Isang gabi ay naisipan kong lumabas ng bahay para magpahangin. Naiisip ko pa rin ang pagkakaroon ng girlfriend ni Jhun kaya dinaan ko na lang sa paglalakad ang nadarama kong kalungkutan. Malapit sa aming bahay ay may isang commercial building na may furniture shop. Napaupo ako sa bakod na bato gilid ng naturang building upang makapagpahinga. Ilang minuto na akong nakaupo nang lapitan ako ng guwardiya ng shop. Bawal raw umupo roon kaya umuwi na ako sa bahay.

Pag-uwi ko sa bahay ay nagtaka ako dahil bukas ang gate. Pagpasok ko ay nakita kong may kausap ang nanay ko. Parang pamilyar ang nakatalikod na babae. Kinabahan ako. Nakita ako ng nanay ko.

"Lei, andito sina Tita Glo mo," sabi na nanay ko.

Tama nga ang hinala ko, si Tita Glo na nanay ni Jhun. Lumapit ako at nagmano kay Tita Glo. Wala akong nakitang kasama niya kaya nadismaya ako.

"Kasama ko si Jhun, andun sa kuwarto at ipinasok ang mga gamit," sabi ni Tita Glo.

Dali-dali akong pumasok sa guest room pero walang tao. Pero nasa ibabaw ng kama ang mga bag ng damit. Napatigil ako sa pintuan. Bumukas ang pinto ng banyo. Lumabas ang taong hinahanap ko, si Jhun. Hindi ko napigilan ang aking sarili at tumakbo ako palapit sa kanya para yumakap. Nagulat siya sa ginawa ko kaya para siyang tuod sa pagkakatayo. Humingi agad ako ng paumanhin sabay kalas ng pagkakayakap ko sa kanya. Siya naman itong nagbago ang ekspresyon sa mukha. Bigla niya akong kiniliti sa tagiliran. Napa-aray ako. Doon niya na-realize na inoperahan nga pala ako sa tiyan. Nag-sorry agad siya at sabay kaming nagkatawanan.

Walang puknat ang kuwentuhan namin. Dumako ang topic namin sa kanyang girlfriend. Bigla akong nawalan ng gana, hindi ko alam kung nahalata niya iyon. Pero nakikinig pa rin ako sa kuwento niya kung paano niya niligawan 'yung babae, na minsan raw ay nagyayakapan at naghahalikan sila. Nagulat ako nang aminin niyang muntik na raw may mangyari sa kanila nung babae. Magtatanong sana ako kung anong nangyari pero dumating ang nanay ko at inaya na kaming maghapunan.

Pagkatapos kumain at makapaglinis ay inaya ako ni Jhun na ituloy ang kuwentuhan namin. Nagpaalam ako sa nanay ko kung puwedeng sa kuwarto ko matulog si Jhun at pumayag naman siya. Pagpasok sa kuwarto ay biglang ni-lock ni Jhun ang kuwarto ko. Deadma lang ako pero kinabahan ako.

Inaayos ko ang aming higaan habang nakatayo lang si Jhun sa harap ng kama. Mayamaya ay kinuha niya ang isang unan at ibinato sa akin. Nagulat ako pero dinampot ko rin ang unang inihagis niya at ibinato ko rin ito sa kanya. Pinatay ko ang ilaw at tanging ang lampshade sa tabi ng kama ang binuksan ko. Tapos tumalon ako sa kabilang kama kaya hinabol niya ako. Habulan, batuhan ng unan. Katulad noong maliliit pa kami. Napagod agad ako kaya napahiga ako sa kama. Tumabi sa akin si Jhun. Napatingin ako sa kanya habang taas-baba ang kanyang dibdib sa paghinga. Mas lalong naging guwapo ang kanyang itsura. Napangiti siya. Lumabas ang mga biloy niya sa pisngi. Mayamaya ay naging seryoso.

"Lei, okay na ba ang tiyan mo?" tanong niya.

"Magaling na ang sugat pero maraming bawal gawin gaya ng pagbubuhat ng mabigat, paglalaro ng basketbol at iba pa," sagot ko.

"Alalang-alala ako sa iyo noong sinumpomg ka ng sakit sa tiyan sa eskwelahan. Natakot ako," sabi niya.

"Talaga? Eh bakit hindi mo ako dinalaw sa ospital?" sumbat ko.

"Patawa ka. Parang ang lapit ng Maynila sa Bicol," tugon niya habang nakapikit.

"Biro lang. Alam ko namang imposible. Pero salamat. Masaya ako at andito ka,'' saad ko.

Sandaling katahimikan. Nilingon ko si Jhun. Nakatulog na pala ang damuho. Sa tulong ng ilaw na nagmumula sa lampshade ay napagmasdan kong maige ang mukha ni Jhun. Mayroon na siyang manipis na bigote. Mas lumaki ang mga masel sa braso at dibdib dulot ng pagtatrabaho sa bukid.
Hindi ko napigilang lumapit sa kanya. Lalo kong isiniksik ang sarili ko sa kanya. Nalanghap ko ang kanyang amoy, lalaking-lalaki. Hinaplos ng aking mga daliri ang kanyang buhok, mukha, dibdib, tiyan, at pinisil ko ang kanyang hita. Mahimbing ang tulog niya, napagod siguro sa biyahe. Mahal na mahal ko si Jhun, higit pa sa isang kaibigan. Sumagi sa aking alaala ang mga masasayang pangyayari sa aming dalawa ni Jhun. Mahigpit ko siyang niyakap hanggang sa makatulog ako.

Nagising ako sa yugyog ni Jhun. "Bangon na, tanghali na," sabi niya.

Marahan kong iminulat ang aking mga mata. Inaantok pa ako. Ipinikit ko ulit ang aking mga mata. Nagulat ako nang may humampas sa aking unan. Si Jhun.

"Bangon na, samahan mo akong pumunta sa plasa. Pasyal tayo," aya ni Jhun.

Bumalikwas ako ng bangon. Hinampas ko rin ng unan si Jhun.

Ipinasyal ko si Jhun sa lahat ng magagandang lugar na alam ko rito sa Maynila. Si Tita Glo ay abala sa pag-asikaso ng mga papeles na gagamitin niya pagpunta sa Italy para magtrabaho. Mga apat na araw lang ang inilagi nina Jhun bago sila umuwi sa aming baryo sa Bicol. Sa huling gabi nina Jhun sa aming bahay ay may nangyaring hindi ko inaasahan.

Naging emosyonal ang naging kuwentuhan namin ni Jhun. Nalulungkot siya sa nalalapit na pag-alis ni Tita Glo. Ayaw niya sanang mag-abroad si Tita pero kailangan dahil may apat pa siyang mga kapatid na nag-aaral. Sinabi ko sa kanya na mabilis lang ang dalawang taon. Hindi pa rin kumalma si Jhun. Niyapos ko na lang siya ng mahigpit. Hinaplos ko ang kanyang ulo at likod. Niyakap niya rin ako. Mayamaya ay nagsalita si Jhun.

"Lei, salamat ha. Napakabuti mong kaibigan. Simula bata pa tayo ay ikaw na lagi ang karamay ko. Hindi ko alam kung paano kita mababayaran."

"Bakit, sinisingil ba kita? Saka ganoon talaga ang magkaibigan, nagdadamayan. Kusang-loob kong ginawa ang mga bagay na sa tingin ko ay makabubuti sa ating pagiging magkaibigan. Ikaw rin naman ay naging mabuting kaibigan sa akin."

Humarap si Jhun sa akin. Hinawakan niya ang aking mukha. Matiim ko siyang tinitigan, nagtatanong ang aking mga paningin. Ngumiti lang si Jhun. Napapikit ako nang lumapit ang kanyang mukha sa akin. Naramdaman ko ang pagdampi ng kanyang mga labi sa aking noo. Tapos sa aking ilong. Pati sa aking malalambot na mga labi. Napasinghap ako. Napadilat.

"Jhun, anong ginagawa mo," kunwaring tanong ko.

"Wala," sabi niya at ginulo ang aking buhok. "Matulog na nga tayo", sabay hila niya sa akin pahiga kaya napasubsob ako sa kanyang matipunong dibdib.

Hinayaan ko na lang si Jhun sa ginawa niya. Marahn niya ring hinaplos ang aking buhok. Napakislot ako dahil may kiliti ako sa ulo. Niyakap ko na lang siya nang mahigpit. Nakatulog ako habang nakadagan sa kanya.

Paggising ko ay wala na sina Jhun at Tita Glo. Sabi ng nanay ko ay hindi na raw ako pinagising ni Jhun. Nagkulong ako kuwarto nang maghapong iyon. Hindi ko alam kung magiging masaya ako o malulungkot. Mas pinili ko ang umiyak. Naaawa ako kay Jhun. Gusto ko siyang tulungan pero hindi ko alam kung paano at saan magsisimula.

Tatlong taong hindi kami nagkita ni Jhun. Ang balita ko ay nangibang-bayan daw siya para maghanap ng trabaho. Hindi niya tinapos ang hayskul, isang taon na lang sana at graduate na siya. Hindi gaanong masaya ang ikatlong taon ko sa hayskul. Nag-iba lang ang mundo ko nang makadaupang-palad ko ulit si Migs, ang kapatid ni Jhun na sumunod sa kanya.

Nagkita ulit kami ni Jhun at nagkausap noong nasa UP Diliman na ako. Pumunta siya noon sa dormitory na tinutuluyan ko. Iyon ay upang sabihing mag-aasawa na siya. Iyon din ang naging huling yakap ko sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi na kami nagkita at maging sina Migs ay walang balita sa kanya.

4 comments:

  1. amf ganun pala yun hahaha ang galing magkakadugtong yung mga istorya hahahah.... cya po pala ang huling yakap wow ang galing wala lang po nasiyahan lang po ako sa istorya.... ako nga po pala yung anonymous na nag-cococment dun sa haplos sa likod.....

    maraming salamat sa isang magandang istorya......

    so kapatid nya pala si migs hmmmm......

    ReplyDelete
  2. Thanks, anonymous! Yes, they are brothers.

    ReplyDelete
  3. madalang lang ako magbasa ng mga ganito pero interesting yung story. and naramdaman ko na malungkot ka nga because of what happened. and gusto ko yung ginawa mo na patingin tingin lang and so sexual act na nagyari.. some sort of marespeto... ok i just hope na magmove on kana and just accept na ganun talaga... hope to see more of ur stories...

    ReplyDelete
  4. nice Story... It makes me reminisce my high school life. I was in love with my best friend but never had the chnce to let him know... siguro kasi takot akong malaman kung ano ang magiging reaction niya, fear of rejection and a bit of confusion na din siguro... I'ts a good thing you were able to move on and finally finding the one meant for you...

    ReplyDelete